Pag-aaruga sa Naglilingkod

Mayroon akong kaibigang pari na bagong assign sa isang parokya. Habang nagkukuwento siya, ramdam ko ang bigat ng pinagdadaanan niya. Nakakalungkot, dahil tila mas nananatiling “loyal” ang mga tao sa dating pari. Sa mga misa, kulang ang mga gamit; ang mga sakristan, hindi naghahanda. Ang mga kasulya (vestments) ay hindi plantsado. Ang alak at ostiya, halos maubos na ngunit walang naka-assign na tumingin. Ginagawang tambayan lamang ang paligid ng simbahan — walang galang, walang malasakit; hindi pinapansin ang kalat.

Hindi ko maiwasang magtanong: bakit kaya ganito sila? Hinayaan bang maging ganyan ang sistema noon kaya nasanay na? O baka naman unti-unti nang nawala ang tunay na paggalang at pagmamahal sa Simbahan?

Napansin din na tila walang malinaw na kamalayan ang ilan sa kung paano ginagamit ang mga grocery sa loob ng kumbento. May mga pagkakataong basta na lamang kumukuha ng mga pagkain o gamit nang hindi naiisip na ito ay mula sa limitadong badyet na nakalaan para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pari. Sa ganitong sitwasyon, mahalagang maunawaan ng lahat ang kahalagahan ng wastong pagpaplano at paggalang sa mga pinagkakatiwalaang yaman ng simbahan.

Kawawa ang mga pari natin kung wala silang makakasama at makakatulong. Hindi nila kakayanin ang lahat mag-isa. Ang Simbahan ay hindi lang tungkol sa pari — ito ay tungkol sa komunidad, sa pakikibahagi. Ang bawat isa ay may tungkuling alagaan hindi lamang ang gusali ng simbahan, kundi pati ang kabanalan ng mga sakramento at ng ating ugnayan bilang sambayanan ng Diyos.

Ang pagkakaroon ng bagong pari ay pagkakataon para sa bagong simula — isang paanyaya na muling buhayin ang diwa ng pakikipagtulungan, pagmamalasakit, at paggalang sa sagradong tahanan ng Panginoon. Sana’y magkaroon ng bukas na pag-uusap, hindi upang manumbat, kundi upang magkaunawaan.

Sapagkat ang Simbahan ay hindi lamang tahanan ng pari — ito ay tahanan nating lahat. At kung tunay nating minamahal ang Diyos, dapat ito ay makita sa paraan ng ating pag-aalaga sa Kanyang bahay at sa Kanyang mga lingkod.

Christine Mae Camus
Christine Mae Camus

Catholic writer and digital pilgrim behind Christ in Me Today. I reflect on grace, healing, and hope through Sunday meditations and everyday encounters with God. Responding to love. Rooted in faith. Journeying with joy.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *